Labor protest kasado ngayon

Agaw atensyon sa lalaki ang malaking graffiti na nakaguhit sa pader ng Hepodromo st., Sta. Mesa, Manila na nagpapagunita sa kahalagahan ng mga manggagawa sa bansa kaalinsabay ng pagdiriwang ng Labor Day ngayon. (Edd Gumban)

MANILA, Philippines - Magsasagawa ng malawakang pagkilos ang grupo ng mga manggagawa sa pangunguna ng Kilusang Mayo Uno (KMU) ngayong Labor Day.

Sinabi ni Roger Soluta, secretary-general ng KMU, mariin nilang iparirinig kay Pangulong Aquino ang pagbatikos nila sa ginawang pag-isnab ng pamahalaan sa hinaing na taas-sahod ng mga manggagawa, pagkondena sa paglagda sa Enhanced Defense Cooperation Agreement at pagpupursigi na maipatupad ang Charter Change.

“Workers and advocates of workers’ rights have every reason to join this year’s Labor Day protests. Aquino has been pressing down wages, has just signed the EDCA and is pushing for Cha-cha, showing the world just who his real ‘bosses’ are,” pahayag ni Soluta.

Anya, ang protesta at ibang aktibidad ay gagawin sa 14 na rehiyon kasama ang Metro Manila, Ilocos, Cordillera, Central Luzon, Southern Tagalog, Bicol, Eastern Visayas, Central Visayas, Panay Islands, Northern Mindanao, Southern Mindanao, Western Mindanao, Far South Mindanao at Eastern Mindanao. 

Sinabi ni Soluta na ang mga protesters sa kalakhang Maynila ay magsasama-sama sa Welcome Rotonda, Monumento, Quirino, Stop n’ Shop at Plaza Hernandez sa umaga at saka tutungo sa Liwasang Bonifacio at Mendiola sa bandang hapon.

Show comments