MANILA, Philippines – Alam na ng National Bureau of Investigation ang posibleng pinagtataguan ng modelong si Deniece Cornejo na nagtatago sa kasong serious illegal detention dahil sa pambubugbog sa TV host na si Vhong Navarro.
Sinabi ni NBI-National Capital Region Assistant Regional Director Vicente De Guzman III na may impormasyon na sila sa pinaglalagian ng modelo ngunit ayaw nilang talakayin pa ito.
Samantala, sinabi naman ni NBI Deputy Director Rafael Ragos na nagbigay ng “surrender feeler†ang isa pa sa mga suspek na si Jed Fernadez.
Kaugnay na balita: Cedric Lee arestado!
Inanunsyo ng NBI ang mga bagong kaganapan sa kaso ni Navarro matapos iharap sa mga mamamahayag ang una nang nadakip na sina Cedric Lee at Simeon Raz.
Ayon sa ulat ng Philippine News Agency, tila walang kinakaharap na kaso sina Lee at Raz nang humarap sa mga mamamahayag dahil sa kanilang pagngiti at minsa'y pakikipagbiruan sa mga reporter.
Walang piyansa ang serious illegal detention na kaso.
Kasalukuyang nakakulong ang dalawa sa NBI Detention Facility habang inaantay ang commitment order na ilalabas ng Regional Trial Court.
Naaresto sina Lee at Raz ng pinagsamang puwersa ng NBI, Intelligence Services ng Armed Forces of the Philippines (ISAFP) nitong Sabado sa Oras, Eastern Samar.