P300K reward sa pinaslang na negosyante

MANILA, Philippines - Nag-aalok ng P300,000 cash reward ang mga kaibigan at tagasuporta ng pinaslang na millionaire businessman na si Antonino Pabalan Antonio sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon para sa ikaaaresto ng anak ng biktima na siya umanong suspek sa pagpatay noong Setyembre 2013.

Pinaghahanap pa ng mga awtoridad si Nelson Bermejo Antonio, 44, na inisyuhan na ng warrant of arrest nang walang piyansa ni Judge Rolando G. How ng Parañaque City Regional Trial Court Branch 257.

Si Nelson ay sinampahan ng kasong parricide matapos umanong mabaril at mapatay ang amang si Antonino makaraang magtalo ang dalawa hinggil sa nangyaring nakawan sa tahanan ng biktima sa 118 Concha Cruz Drive sa BF Executive Homes sa Las Piñas City. Pinagbibintangan umano ng biktima ang anak na may kinalaman sa pagnanakaw na ikinagalit nito.

Naunang sumuko sa Las Piñas City Police Station si Nelson at itinurn-over sa Parañaque City Police Sub-Station 8.

Gayunman, inutos ng piskalya ang pagpapalaya sa kanya sa kabila nang pag-amin sa krimen dahil sa kawalan ng hurisdiksyon. Muling inihain ang kaso sa Parañaque City Prosecutor’s Office na nagresulta sa pag-iisyu ng hukuman ng mandamyento de aresto.

Anumang impormasyon na makapagtuturo sa kinaroroonan ng suspek ay maaaring tumawag sa 0947-3010426 o 0915-5212567.

Show comments