MANILA, Philippines - Pormal nang iniluklok kahapon bilang ika-33 commanding general ng Philippine Air Force (PAF) si Major Gen. Jeffrey Delgado na nagsilbi sa Presidential Security Group (PSG) ni dating Pangulong Corazon Aquino at security aide ni presidential sister Kris Aquino.
Sa turnover ceremony kahapon, isinalin ni ret. PAF Chief Lt. Gen. Lino Catalino dela Cruz ang kapangyarihan kay Delgado.
Panauhing pandangal at tagapagsalita sa okasyon si Pangulong Aquino.
Sinabi ng Pangulo sa kanyang mensahe, sa susunod na taon ay inaasahang darating na ang modernong FA-50 fighter jet mula sa Korea.
Aniya, plano ring bumili ng 8 pang combat utility helicopters, 6 na close air support wing, 2 long-range patrol aircraft at mga radar system upang lalong mapalakas ang Air Force.
Balak din ng gobyerno na bumili ng full motion flight simulator upang lalong mapaunlad ang pagsasanay ng mga piloto ng PAF.
Pinuri din ni PNoy ang hindi matatawarang kontribusyon ng Air Force sa ginawang relief and rescue operations sa panahon ng bagyong Yolanda sa kabila ng limited capacity ng PAF.