PNoy hindi nag-sorry sa HK - Almendras

MANILA, Philippines - Nilinaw ng Malacanang na hindi humingi ng apology si Pangulong Benigno Aquino III sa Hong Kong kaugnay sa 2010 Manila hostage incident subalit tinanggap naman ng mga kaanak ng nasawi ang paliwanag ng gobyerno ukol sa pangyayari.

Tumanggi si Secretary to the Cabinet Rene Almendras na ibunyag sa media kung magkano ang ibinigay na ‘compensation’ sa mga kaanak ng nasawi at nasugatang HK nationals sa Quirino Grandstand incident noong Agosto 2010 pero nilinaw na hindi government fund ito kundi private donations.

Subalit sa ulat ng China Morning Post ay umaabot sa $20 milyong HK dollar ang ibinayad na compensation ng Philippine government.

Nagpasalamat din ang Palasyo kay Manila Mayor Erap Estrada dahil sa ginawa nito na naging susi upang mapahupa ang galit ng mga HK nationals at pagbawi sa travel sanction ng HK government sa Philippine officials.

Subalit iginiit naman ni Erap na unang humingi ng apology sa HK government si Sec. Almendras bilang kinatawan ng national government pero ayaw aminin ito ng kalihim.

Samantala, binati naman ni House Speaker Feliciano Belmonte Jr. si Mayor Erap sa matagumpay na misyon nito sa HK.

Para naman kay Valenzuela Rep. Sherwin Gat­chalian, ang pagiging dating pangulo ng bansa ni Erap ang naging susi kaya nagawa nitong mapakiusapan at personal na maihingi ng paumanhin ang insidente kaya tinanggap ito ng Hong Kong government gayundin ng pamilya ng mga biktima.

 

Show comments