MANILA, Philippines - Pinag-iingat ng Department of Labor and Employment ang mga bagong Overseas Filipino Workers (OFWs) at mga paparating sa bansa laban sa kumakalat na Middle East Respiratory Syndrome-Coronavirus (MERS-CoV)
Ang babala ni Labor and Employment Secretary Rosalinda Baldoz ay kasunod ng ipinalabas na kautusan o advisory Philippine Overseas Employment Administration, isang attached agency sa ilalim ng DOLE.
Sinabi ng kalihim na bagaman walang paghihigpit o deployment ban sa mga bansa sa Middle East mahalaga aniya sa bawat manggagawang Filipino, maging sila ay papunta pa lamang sa Middle East o papauwi na mag-ingat sa nasabing virus.
Sa pinalabas na advisory na linagdaan ni POEA Administrator Hans Leo J. Cacdac, kailangang sundin ng mga newly-hired at mga papauwi o returning Overseas Filipino workers, at mga on-site OFWs ang mga sumusunod para sa kanilang proteksiyon at kaligtasan.
Maghugas ng kamay at mga daliri o kaya ay maglagay ng alcohol bago o pagkatapos kumain, bago magluto at maghanda ng pagkain, pag-ubo, pagbaÂhing, paggamit ng toilet at bago o pagkatapos na humawak sa mga alagang hayop.
Magtabing ng bibig sa sandaling umuubo o nagbabahing, maaari aniyang gumamit ng tissue, saka itapon sa basurahan ang ginamit na tissue. Iwasang makipag-contact sa mga alagang hayop kabilang na rito ang camels. Umiwas din umano sa mga taong may sakit o infected ng MERS-CoV. o kung may ubo o nararamdamang respiratory illness, makabubuti umanong manatili na lamang sa bahay, magsuot ng surgical mask upang mapangalagaan laban sa naturang sakit ang kanyang pamilya.
Kung health worker naman aniya, dapat sumunod sa infection control protocols sa kanyang trabaho. Dapat din aniyang bumisita sa doctor, hospital o sa health faciliÂty kagad-agad sa sandalling may nakitang sintomas ng MERS-CoV gaya ng walang humpay na pag-ubo at iba pang sintomas.
Sa sandali naman aniya na nagkaroon na ng close contact sa pasyenteng kumpirmadong may MERS-CoV, dapat sumunod sa local health regulations at agad na kanselahin ang pagbiyahe sa ibang bansa hanggang sa mag-negatibo o gumaling na siya sa naturang karamdaman.
Panghuli, hinikayat ni Cacdac ang publiko na huwag maniwala sa mga sabi-sabi hinggil sa MERS-CoV. Kailangan aniyang tiyakin na ang anumang makukuhang impormasyon ay galing sa mga awtoridad.