MANILA, Philippines - Kahihiyan sa Justice system ng bansa kapag pinayagang maging state witness ang pork barrel scam queen na si Janet Lim Napoles.
Ayon kay Deputy Majority leader at Cibac partylist Rep. Sherwin Tugna, mahihirapan din ang prosecution na i-discharge si Napoles sa krimen para ipakita na walang direct evidence na maibibigay ang ibang testigo.
Malabo din umano ang balakin dahil nakapagbigay na ang ibang testigo tulad nina Ruby Tuason at Benhur Luy ng direct evidence sa anomalya kaya kung ididischarge umano si Napoles bilang isa sa pangunahing akusado ay isa itong paglabag sa rules of court dahil hindi ito pumapasa sa kuwalipikasyon ng person to be discharged from a crime.
Paliwanag pa ni Tugna na babagsak si Napoles sa qualification na maging state witness dahil sangkot din ito sa ‘helmet at fertilizer fund scam’ na malinaw din sa track record nito ang mga iregularidad na kanyang ginawa.
Dismayado naman si Ako Bicol partylist Rep. Rodel Batocabe kung gagawin state witness si Napoles dahil iba umano ang sinasabi ng libro na kanilang pinag aralan sa law school samantalang kung gagawin umano itong state witness ay para na rin sinabi na lahat ay maaaring maging testigo ng gobyerno.