MANILA, Philippines - Pinaiimbestigahan ni Sen. Nancy Binay ang napaulat na bentahan ng ilegal na droga sa loob mismo ng mga casino.
Sa Senate Resolution 539 na inihain ni Binay, binanggit nito ang nakasaad sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 na polisiya ng gobyerno na pangalagaan ang integridad na teritoryo nito at kapakanan ng mga mamamayan.
Sinabi ni Binay na marapat lamang na matiyak ang ugat ng sinasabing bentahan ng droga sa mga casino at masawata agad ito
Ibinase ni Binay ang kanyang resolusyon sa inihayag kamakailan ni Police Chief Insp. Roque Merdeguia ng PNP Anti-Illegal Drug Special Operations Task Force (AIDSOTF) na nagkakaroon na rin ng mga transaksiyon ng droga sa loob ng mga casino quarters.
Ibinunyag umano ni Merdeguia na sa halip na pera, droga ang ibiÂnabayad kapalit ng mga casino chips.
Maliwanag aniya na ang nasabing kalakaran ay hindi lamang labag sa RA 9165 kundi maging sa money laundering.
Ayon sa Dangerous Drugs Board Survey noong 2008, umaabot sa 1.7 milyon ang drug users sa Pilipinas na inaasahang mas mataas na sa ngayon.