MANILA, Philippines - Positibo ang naging pagtanggap ng mga taga Bacoor, hinggil sa pinatupad na “Four Day Work Week†ng pamahalaang local bilang bahagi nang pagtitipid o austerity measures for public service sa lungsod.
Ayon kay Bacoor City Mayor Strike Revilla, napapanahon na ipatupad ang “Four Day Work Week†o apat na araw ng paggawa sa loob ng isang linggo pero mas mahabang oras na pagbibigay serbisyo sa kanilang mga residente.
“Papasok ang mga empleyado ng City Hall alas-8:00 ng umaga at maaari silang makauwi alas-7:00 ng gabi. Ito ay mula araw ng Lunes hanggang Huwebes sa bawat isang linggo, “ ayon kay Mayor Revilla.
Sinabi ng Alkalde, sa ganitong paraan mas mapapakinabangan ng mga taga lungsod ng Bacoor ang serbisyo ng kanilang lokal na pamahalaan dahil bukas ang kanilang mga tanggapan kahit hindi na oras ng paggawa sa mga pribadong opisina o tanggapan.
“Maraming humihiling ng ganitong patakaran sa aming lungsod. Yung iba kasi kinakailangan pa na mag leave o umabsent kapag meron silang kailangang asikasuhin sa City Hall. Pagtitipid din ito para sa aming lahat na taga Bacoor dahil mababawasan ang paggamit ng kuryente at enerhiya, “ anang Alkalde.
Gayunman, hindi saklaw ng four day work week scheme ang mga tanggapan na may kinalaman sa serbisyong direktang rumeresponde sa pangangailangan ng mamamayan gaya ng traffic, basura, health, pulisya, social welfare, disaster response, command center at engineering department.
Hindi rin kasama sa executive order na pinirmahan ni Mayor Revilla ang mga eskwelahan, Bureau of Fire Protection, BJMP at iba pang mga national government offices na may operasyon sa lungsod.
Bahagi rin ng kautusan ni Mayor Revilla na ang araw naman ng Linggo ay gawing God at Family day sa lungsod ng Bacoor.