MANILA, Philippines - Labintatlong pulis kabilang ang kontroÂbersyal na si Sr. Supt. Hansel Marantan, ang disnismis sa serbisyo kaugnay ng madugong rubout na ikinasawi ng 13 katao, isa rito ay ang hinihinalang big time gambling lord sa inilatag na checkpoint sa Atimonan, Quezon noong Enero ng nakalipas na taon.
Kinumpirma ni Chief Supt. Reuben Theodore Sindac, Chief ng PNP–Public Information Office (PNP-PIO) ang pagpapatalsik sa serbisyo laban sa 13 pulis ay base sa ibinabang desisyon ng PNP-Internal Affairs Service (PNP-IAS).
Kinilala ni Sindac ang mga dinismis na pulis ay sina Supt. MaÂrantan, Supt. Ramon Balauag, Sr. Inspector John Paulo Carracdeo, Sr. Inspector Timoteo Orig, SPO3 Joselito de Guzman, SPO1 Claro Cataquiz Jr., SPO1 Arturo Sarmiento, PO3 Eduardo Oronan, PO2 Nelson Indal, PO2 Al Bhazar Jailani, PO1 Wryan Sardea at PO1 Rodel Talento.
Ayon kay Sindac, lima naman ang pinapapatawan ng isang ranggong demosyon na kinilalang sina Inspector Ferdinand Aguilar, Inspector Evaristo San Juan, PO3 Benedict Dimayuga, PO2 Ronnie Serdena at PO2 Esperdion Corpus Jr.
Dalawa naman ang pinatawan ng anim na buwang pagkakasuspinde na sina PO1 Allen Ayobo at PO1 Bernie de Leon.
Inihayag naman ni Sindac na naghain na ng ‘motion for reconsideration’ ang kampo nina Marantan hinggil sa nasabing desisyon ng PNP-Internal Affairs Service (PNP-IAS).
Magugunita na 13 biktima kabilang ang hinihinalang gambling lord na si Vic Siman at ang environmentalist na si Jun Lontok ang nasawi matapos pagbabarilin sa checkpoint nina Marantan sa Atimonan, Quezon noong Enero 6, 2013.