Aviation safety rating ng Pinas ibinalik sa ‘Category 1’

MANILA, Philippines - Inanunsiyo ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na ibinalik na ng US Federal Aviation Authority (FAA) sa Category 1 ang aviation safety rating ng Pi­lipinas.

Ito’y matapos bumisita si US Ambassador to the Philippines Philip Goldberg sa tanggapan ni CAAP Director General William K Hotchkiss lll, para ipaalam na puwede ng magdagdag ng mga bagong ruta ng eroplano ang Pilipinas para maglakbay sa Estados Unidos.

Dahil dito, pinapaya­gan na ang lahat ng awto­risadong eroplano ng Pilipinas na lumipad papasok sa Amerika nang walang mga restrictions o matinding paghihigpit.

Sa dating Category 2 rating, ang air carriers ng Pilipinas ay pinapayagan lamang na panatilihin ang kasalukuyang serbisyo sa US at pinagbabawalang magsagawa ng mga bagong serbisyo o mag­dagdag ng biyahe.

Kabilang sa mga gi­nawa ng CAAP upang mag­tagumpay na makuha ang Category 1 rating ay ang pagdadagdag ng mga technical experts, pagsa­sanay sa mga airport personnel, at pagsa­saayos sa record keeping at ins­pection procedures sa mga paliparan sa bansa.

Show comments