MANILA, Philippines – Isinusulong ng isang mambabatas na magkaroon ng congressional probe sa mga ulat na laganap ang panggagahasa sa mga evacuation centers sa Samar, Leyte at Zamboanga City.
Inihain ni Bulacan Rep. Linabelle Ruth Villarica ang House Resolution 788 upang repasuhin ng House Committee on Women and Gender Equality ang mga hakbang ng gobyerno upang matiyak ang kapakanan ng kababaihan at ng mga kabataan sa mga evacuation centers.
"The State is mandated to address the particular needs of women from a gender perspective to ensure their protection from sexual exploitation and other sexual and gender based violence committed against them," sabi ni Villarica.
Tinukoy ng mambabatas ang Magna Carta of Women kung saan isa sa mga probisyon nito ang pangalagaan ang karapatan ng mga kababaihan sa panahon ng kalamidad.
"The MCW provides for immediate humanitarian assistance, allocation of resources and early resettlement, if necessary, for women-victims," wika ni Villarica.
"The MCW also provides the institution of measures to ensure the protection of civilians in conflict-affected communities with special consideration for the specific needs of women and girls."
Nais ni Villarica na matiyak ang mga panngunahing pangangailangan ng mga kababaihan at kabataan sa mga pansamantalang tirahan ng mga biktima ng kalamidad at kaguluhan.
Noong nakaraang taon ay hinagupit ng bagyong Yolanda, ang pinakamalakas na bagyo sa kasaysayan ng bansa, ang Eastern Visayas, habang sumiklab naman ang kaguluhan sa pagitan ng gobyerno at Moro National Liberation Front.