PNoy kinilala ang mga sundalo sa Ayungin shoal

MANILA, Philippines – Pinarangalan ni Pangulong Benigno Aquino III ngayong Araw ng Kagitingan ang kabayanihan ng siyam na sundalo na nakabase sa BRP Sierra Madre sa pinag-aagawang Aqungin Shoal.

"Isipin na lang ninyo ang pambihirang sakripisyong ipinamalas ng kanilang grupo: Sa loob ng halos limang buwan, ang kanilang mundo ay uminog lamang sa karagatan,” wika ni Aquino.

“Halos wala silang komunikasyon sa kanilang mga pamilya; may mga pagkakataon pang hinaharang ang ipinapadala nating mga gamit at pagkain sa kanila."

Kaugnay na balita: PNoy: ‘Kung nasa tama tayo, lalaban tayo’

Pinuri pa ng Pangulo ang sakripisyong ginagawa ng mga sundalo sa pangunguna ni First Lt. Mike Pelotera upang pangalagaan ang soberenya ng bansa.

"Araw-gabi, sakay ng nakatirik na BRP Sierra Madre, ay nakaangkla lamang ang kanilang dedikasyon sa pagtutok at pagbabantay ng ating teritoryo. Kaya naman po, kasama ng ating mga beterano, kabilang din ang mga kawal na tulad nila sa mga kinikilala natin ngayon. Saludo po ang sambayanang Pilipino sa inyo," sabi ni Aquino.

Mula pa noong 1999 nakabalandra ang naturang barko sa Ayungin shoal upang maipakitang parte ito ng teritoryo ng Pilipinas.

Samantala, hindi rin kinalimutan ni Aquino na kilalanin ang mga war veterans.

"Marahil nga po, kapag tinanong ng kasalukuyang henerasyon kung ano ang ibig-sabihin ng sakripisyo, ang pinakaangkop na sagot ay ang inyong halimbawa. Di po ba, kayong mga beterano ang buong-loob na sumuong sa peligro at kawalang-katiyakan, sa ngalan ng bandila?" sabi ni Aquino.

Show comments