MANILA, Philippines - Nananawagan ang mga steelmaker sa pamahalaan na magpataw ng mas mahigpit na parusa sa mga gumagawa ng substandard products at ipatupad nang mas mahigpit ang mga regulasyon sa Customs para masawata ang talamak na pagpupuslit ng mahinang klaseng mga produktong bakal lalo na yaong mga nagmumula sa China.
Kumakatawan sa mga magbabakal ang Philippine Iron and Steel Institute (PISI) na nagprisinta sa Senate Committee on Trade, Commerce and Entrepreneurship ng detalyadong panukalang mga remedyo para mapangalagaan ang mga konsyumer sa mga substandard product.
Nagsagawa kahapon ng hearing ang nasabing komite na pinamumunuan ni Senador Bam Aquino na naunang nagsulong ng resolusyong nananawagan ng imbestigasyon sa paglipana ng mahihinang klaseng produktong bakal sa lokal na pamilihan.
Binanggit ng senador ang mga pag-aaral ng mga eksperto na nagpapakita na ang epekto ng lindol sa Bohol at ng bagyong Yolanda sa Leyte at Samar ay pinalubha ng mga substandard na bakal na ginamit sa maraming istruktura sa mga lalawigang ito.
Nanawagan din ang PISI sa Department of Trade and Industry na magpataw ng mas mahigpit na mga parusa sa mga lokal na manufacturer kabilang ang pagpapawalambisa sa lisensiya ng mga ito. Hinihiling din ng grupo sa Bureau of Customs na magpataw ng bagong mga sistema para masugpo ang talamak na pagpupuslit ng mga produktong bakal.
Ayon sa datos na isinumite ng PISI sa Senado, napakalaki ng diperensiya sa mga datos sa China report hinggil sa mga ini-export nito sa Pilipinas at sa datos ng BOC na nagpapahiwatig sa dami ng inimport na mga produktong bakal.
Hinihingi rin ng PISI kay Sen. Aquino na pangunahan ang pagsususog sa Republic Act 7103 para saklawin ng mga parusa ang mga nagbebenta ng substandard products tulad ng sa pagpupuslit ng mga produktong bakal.