MANILA, Philippines - Mawawalan ng tatlong araw na suplay ng tubig sa panahon ng Semana Santa sa maraming lugar sa Metro Manila at Cavite.
Ang water interruption ay mararamdaman mula Abril 16, Miyerkules Santo hanggang Abril 19 Sabado de Gloria sa Makati, Malabon, Maynila, Navotas, Pasay, Las Piñas, Muntinlupa, Parañaque at South Caloocan maging sa ilang bahagi ng Imus, Kawit, Bacoor, Cavite City at Noveleta sa lalawigan ng Cavite.
Ayon sa Maynilad Waters, ang pagkawala ng suplay ng tubig ay bunga ng gagawing interceptor drainage box culvert ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Blumentrit St., Maynila.
Tatamaan ang flood control project na ito sa linya ng tubig ng Maynilad Water Services, Inc. (Maynilad) sa Juan Luna St. at Hermosa St. kaya kinakailangang ilihis ng Maynilad ang linya nito upang solosyunan ang madalas na pagbaha sa Maynila.
Bunga ng water interruption, magbubukas ng apat na deepwell ang Maynilad para maserbisyuhan ang mga residente sa mga apektadong lugar. Mayroon ding 60 water tanker ang nakahanda para dalhan ng tubig ang mga lugar na makakaranas ng tatlong araw na service interruption.
Hinikayat din ng Maynilad ang mga nakatira sa nabanggit na mga lugar na bago sumapit ang takdang araw ng water interruption ay agad na mag ipon ng tubig para may magamit sa panahon na walang suplay.