MANILA, Philippines - Nilagdaan na ng pamahalaan ang halos P24 bilyong halaga ng kontrata para sa pagbili ng mga aircraft sa South Korea at Canada bilang bahagi ng pagpapalakas ng depensa ng militar sa gitna na rin ng umiinit na isyu ng agawan ng teritoryo sa West Philippine Sea.
Ayon kay Defense Undersecretary Fernando Manalo, kabilang sa kontrata ang pagbili ng 12FA-50 fighter jets mula sa Korea Aerospace Industries na nagkakahalaga ng P18.9 bilyon.
Pinirmahan din ang kontrata para naman sa 8 Bell 412 combat utility helicopters na nagkakahalaga ng P4.8 bilyon. Inaasahang maide-deliver ang tatlo sa mga helicopter sa unang bahagi ng 2015.
Naglaan ang pamahalaan ng P75 bilyon para sa military upgrade ng Armed Forces of the Philippines (AFP) partikular na sa mga air at naval assets na magagamit sa pagpapatrulya sa West Philippine Sea (South China Sea).