PPA official inireklamo ng harassment

MANILA, Philippines - Ipinagharap ng kasong harassment ang isang opisyal ng Philippine Ports Authority (PPA) dahil sa ginawa umano nitong pagmumura sa mga driver at sekyu ng Star Group of Publications sa Port Area, Maynila kamakailan.

Sa isang pahinang reklamo ni Dennis Be­l­tran, Chief Security ng Star Group, sinabi nito na noong alas-12:50 ng madaling araw ng Pebrero 26 ay dumating sa harap ng publication ang isang kulay puting Adventure na walang marka at wala ring plate number na minamaneho umano ng isang Alejandro Tan, nakatalaga sa Resource Management Division (RMD) ng PPA.

Ayon kay Beltran, may dalawang kasama si Tan na nakasibilyan at ilang minuto ang lumipas ay dumating ang tinawagan niyang 12 guwardiya ng Lockheed Security Agency na pawang armado ng shotgun at 9mm na baril na mistulang makikipagbakbakan sa giyera.

Lasing umano si Tan na noo’y naka-short pants lang nang iharang nito sa kalsada ang kanyang sasakyan at sinigawan at pinagmumura umano ang mga sekyu at driver at pilit na pinapaalis ang mga delivery trucks at mga sasakyan ng mga ahente ng diyaryo na nakaparada sa gilid ng kalsada.

Nagbanta pa umano si Tan na susunugin niya ang mga ito kapag hindi siya sinunod.

Upang hindi na lumaki pa ang gulo ay kinausap na lamang ni Beltran ang kanilang mga driver na sumunod at pansamantalang umalis habang mainit ang ulo ni Tan.

Ang reklamo ni Beltran ay kanyang isinumite kay Engr. Constante Farinas Jr., Port District Mana­ger ng PPA subalit wala umanong   naging aksiyon kaya napilitan ito na i-akyat ang kanyang reklamo kay PPA General Manager Juan Sta Ana na nag-utos na ng imbestigasyon.

Show comments