MANILA, Philippines - Nagtakda ang Supreme Court Third Division ng oral argument kaugnay sa petisyon na inihain ni Sen. Bong Revilla laban sa ginagawang imbestigasyon sa kanya ng Ombudsman kaugnay sa pork barrel fund scam.
Ang oral argument ay gagawin sa Abril 1, 2014, alas 2:30 hapon sa SC session hall sa Baguio City.
Sa notice of resolution na pirmado ni Division Clerk of Court Lucita Abjelina Soriano, tatlong isyu ang inilatag ng hukuman na tatalakayin sa oral argument.
Kabilang sa argumento ay kung nagkaroon ng grave abuse of discretion sa panig ng Ombudsman nang ibasura nito ang motion to suspend the preliminary investigation na inihain ni Revilla sa kabila ng pagkakaroon ng prejudicial question.
Ikalawang isyu ay kung nagkaroon ng grave abuse of discretion ang Tanggapan ng Ombudsman nang ibasura nito ang reklamong plunder na inihain ni Revilla laban kay Technology Resource Center Director GeÂneral Dennis Cunanan at mga whistleblower sa PDAF scam sa kabila ng umano’y malinaw na ebidensya laban sa kanila, at kung ito rin ba ay maituturing na paglabag sa right to equal protection ni Revilla.
Ikatlo ay kung nararapat ba na magpalabas ang Korte Suprema ng temporary restraining order na pipigil sa preliminary investigation ng Ombudsman laban sa kanya.