Roxas pambato ng LP sa 2016

MANILA, Philippines - Si Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas ang napipisil ng Liberal Party na gawing standard bearer sa 2016 presidential election.

Kinumpirma ni Transportation and Communications Secretary Emilio Abaya, acting president ng LP, na sa ngayon ay iisa ang gustong gawing pambato ng LP na magdadala ng kanilang bandera sa susunod na eleksiyon.

“Alam ninyo naman ang kasagutan ko riyan, kung sino ang magdadala ng bandera ng LP. Si Secretary Roxas po iyon. Nagmi-meeting po kami para itulak at isulong itong pananaw ng partido,” pahayag ni Abaya.

Pero sa ngayon aniya ay mas pinagtutuunan ng pansin ng LP na matiyak ang pagbibigay ng magandang serbisyo ng administrasyon.

Ipinahiwatig rin nito na sa pamamagitan ni Roxas ay inaasahan nilang magpapatuloy ang “Tuwid na Daan” ng administrasyong Aquino.

Pero inihayag rin ni Abaya na wala pang pormal na plano ang LP na pinamumunuan ni Pangulong Aquino tungkol sa susunod na eleksiyon.

Show comments