Teacher-doctor na print ad ng BIR ipinagtanggol ni Kim
MANILA, Philippines - Itinanggi ni Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Kim Henares na mga doktor lamang ang puntirya ng print ad ng kawanihan bilang bahagi ng kampanya nito laban sa mga tax evader.
Ipinapakita sa print ad ang isang guro na may buhat na isang doktor. Sinasabi ng print ad na mas malaki pa ang ibinabayad na buwis ng isang guro kasya sa doktor kahit higit na maliit ang kanyang sinasahod.
Nilinaw naman ni Henares na ang talagang nais sabihin ng print ad ay maraming mga propesyunal ang hindi nagbabayad ng tamang buwis.
"The whole ad is really talking about those who are not paying the right taxes [who] should be ashamed or embarrassed to those people who are paying the right taxes. That's the whole message," anang BIR chief.
Hindi aniya intensyon ng print ad na insultuhin ang mga doktor at nagsasabi lamang ang BIR ng isang "statement of fact."
"There's a saying 'Bato-bato sa langit, matamaan huwag magalit.' If you're paying the right taxes then it's (print ad) not alluding to you. If you're not paying the right taxes then it's talking to you," dagdag ni Henares.
Sinabi ni Henares na bukod sa mga doktor at guro, may mga print ad din ang kawanihan na nagpapakita ng mga accountant, isang chef at online seller.
Sa print ad, sinasabing ang ibinayad ng guro na buwis ay P221,694, mula sa kanyang kabuuang taunang sahod na P852,169. Ang doktor naman na kumita ng kabuuang taunang sahod na P1.07 million ay nagbayad lamang ng buwis na P7,424.
Sinabi ni Henares na ang naturang halaga ay base sa mga aktuwal na tala ng BIR.
"When you don't pay your taxes, you're a burden to those who do. Do your share," sabi ng BIR sa tagline ng print ad.
- Latest