MANILA, Philippines - Tinawag ni Justice Secretary Leila de Lima na isang blackmail ang banta ni Sen. Jinggoy Estrada na haharangin ang kaniyang kumpirmasyon sa Commission on Appointments (CA) para sa pagiging kalihim ng Department of Justice.
Aminado rin si de Lima na wala siyang magagawa kung ituloy man ito ng senador.
Gayunman, anang kalihim, kung patuloy na magbabanta si Estrada na i-invoke nito ang Section 20 ng rules ng CA sa oras na sumalang siya sa hearing ay isa itong blackmail.
Dahil dito, nagdadalawang-isip tuloy si de Lima kung haharap pa ba siya sa confirmation hearing sa oras na ipatawag siya ng CA.
Mawawalan din aniya ng saysay ang kanyang pagsagot sa mga isyu sa CA panel at wala siyang magagawa kung pipigilan naman din pala ng isa anyang ‘naghahari-harian’ sa Senado ang kanyang kumpirmasyon.
Giit ni de Lima, ginagawa lang niya ang kanyang trabaho bilang DOJ secretary.
Ang mas mahalaga aniya ay nananatili ang tiwala at suporta sa kanya ni Pangulong Aquino at ng publiko habang siya naman ay tuloy lamang sa pagganap sa tungkulin.
Hindi rin umano mahalaga ang mga sinasabi ni Estrada.
Si Estrada ay isa sa tatlong senador na may kinakaharap na kasong plunder na inihain ng DOJ sa Office of the Ombudsman kaugnay sa P10-bilyong pork barrel fund scam.
Una nang nagpahayag si Jinggoy na igigiit niya ang Section 20 ng CA rule, na nagbibigay-daan upang ang miyembro ng CA ay magawang haraÂngin ang kumpirmasyon ng sinumang nominado sa appointment kahit walang dahilan.