MANILA, Philippines - Dalawang Pinoy ang nasawi habang dalawa pang kasamahang OFW ang malubhang nasugatan sa naganap na pagsabog ng isang tangke ng gas sa isang Turkish restaurant sa Doha, Qatar kamakalawa.
Sa report ni Ambassador Crescente Relacion ng Embahada ng Pilipinas sa Qatar, kinilala ang mga namatay na Pilipino na sina Charlie de Castro at Romar Fahudilao.
Kabilang sila sa 11 katao na nasawi sa pagsabog habang may 35 katao pa ang sugatan kabilang ang dalawang OFW na sina Philip Reyes at Frederick Viscano.
Sa press briefing kahapon sa DFA, sinabi ni Foreign Affairs spokesman Raul Hernandez na ang dalawang OFW na sugatan ay nasa stable nang kondisyon at nagpapagaling sa Hamad General Hospital sa Doha.
Nagpadala na ng welfare officer ang Embahada sa nasabing ospital kung saan nakalagak ang bangkay ng dalawa at upang magbigay ng assistance sa dalawa pang sugatan.
Ang mga OFWs na nadamay sa pagsabog ay pawang merchandizer ng Carrefour supermarket sa loob ng Landmark mall na kalapit ng sumabog na Istanbul Restaurant.
Katatapos lang kumain nina de Castro at Fahudilao at tumatayo na para lumabas sa isang restawran nang madamay sila sa pagsabog. Nabatid na dito rin sa Qatar naninirahan ang kanilang mga pamilya
Sa lakas ng pagsabog, gumuho ang naturang restawran at tinamaan ang mga sasakyan sa labas.
Kabilang umano sa mga biktima ay mga manggagawa at kustomer sa restawran at mga passer-by.
Kasama sa mga nasugatan ang dalawang Pilipino, 12 Indian, siyam na Nepales, limang Pakistani, dalawang Egyptian, at tig-isa mula sa Sri Lanka, Bangladesh, Yemen, Tunisia and Qatar.
Bukod sa dalawang Pinoy na namatay, nasawi rin ang limang Indian at apat na Nepalese.
Kabilang umano sa mga namatay ay mga empleyado ng katabing Tasty restaurant.
Inihayag naman ni OWWA Administrator Carmelita Dimzon na tatanggap ng tig-P200,000 death at P20,000 burial benefits ang pamilya ng mga nasawing OFW kung sila ay miyembro ng OWWA.
Gayunman, sa beripikasyon ng Embahada, lumalabas na isa sa nasawi lamang mula sa apat na Pinoy na biktima ng pagsabog ang umano’y aktibong miyembro ng OWWA.