Posisyon ng ex-SC justice sa DAP inayunan ng solon

MANILA, Philippines - Sinang-ayunan ni Cavite Rep. Elpidio  Barzaga Jr. ang posisyon ni dating Supreme Court Associate Justice Vicente Mendoza na nagbigay ng babala sa Mataas na Hukuman hinggil sa kontro­bersiyal na Disbursement Acceleration Program (DAP) ng pamahalaan.

Pinatutungkulan ni Bar­zaga ang naging argumento ni Mendoza sa isang pagdinig kamakailan ng Supreme Court na ang desisyong kontra sa DAP ay panghihimasok na sa mga larangang nakare­serba lang sa sangay na ehekutibo at lehislatura ng pamahalaan.

Nagsalita si Mendoza para sa mga respondent ng pamahalaan sa petis­yon sa Mataas ng Hukuman ng ilang grupo laban sa DAP.

Kaugnay nito, nanawagan si Barzaga sa Mataas na Hukuman na itaguyod ang doktrima ng hiwalay na kapangyarihan ng tatlong sangay ng pamahalaan sa pamamagitan ng pagbasura sa naturang mga petisyong humihiling na ideklarang labag sa Konstitusyon ang DAP.

“Manganganib ang ating system of checks and balance kung hindi magpapakahinahon ang Mataas na Hukuman sa pagharap sa ganitong mga kaso alinsunod sa hinihingi ng Konstitus­yon,” sabi pa ng kongresista.

Bukod dito, ayon kay Barzaga, walang legal standing ang mga petitioner para dalhin sa Supreme Court ang isyu dahil hindi sila ang agrabyadong partido na tulad ng hinihingi sa Rule 65 ng Rules of Court.

 

Show comments