MANILA, Philippines - Pinag-aaralan na ng gobyerno ang pagbabawas ng mga ‘bulok’ na sasakyan sa kalsada upang makabawas sa trapiko.
Ayon kay PCOO Sec. Herminio Coloma Jr., nag-uusap na ang LTFRB at LTO upang maitakda ang age limit ng mga sasakyan na puwede pa ring lumarga sa kalsada.
Nais matiyak ng mga ahensiya ng gobyerno ang road worthiness at safety ng mga sasakyan na pumapasada kasunod ng nangyaring mga aksidente tulad ng GV Florida bus kung saan 14 katao ang nasawi ng mahulog sa bangin kabilang ang komedyanteng si Tado.
Pinag-aaralan na ng gobyerno kung hanggang anong edad lamang ang sasakyan na papayagang marehistro at makapaglakbay pa sa lansangan upang makabawas din sa volume ng mga sasakyan.
Idinagdag pa ni Coloma, malaking tulong ang ginagawang Skyway 3 project sa sandaling matapos na ito upang mapaluwag ang kalsada at mapabilis din ang biyahe na nagkokonekta sa NLEX at SLEX.
Nakiusap din ang gobyerno sa publiko na magsakripisyo at magpasensiya sa idudulot na trapiko habang ginagawa ang Skyway 3 dahil sa sandaling matapos naman ito ay malaking ginhawa ang mararanasan ng publiko.