MANILA, Philippines – Naaawa si Interior and Local Government Secretary Mar Roxas kay Senador Bong Revilla dahil sa kinasasangkutan ng dating artista sa isyu ng pork barrel scam.
Pinayuhan ni Roxas ang dating kasamahan na tigilan na ang paggawa ng mga kwento upang madepensahan ang sarili.
"Naaawa ako kay Senator Revilla na dati kong kasamahan sa Senado. Kung anu-ano na lang ang sinasabi para mapagtakpan ang katotohanan,†pahayag ng kalihim.
Kaugnay na balita: Luy utak ng sindikato - Revilla
“Payo ko, magpakatoo siya. Tigilan na ang pag-iimbento ng kung anu-anong script. Hindi ito sine. Totoong buhay ito na ang bawat gawain ay may kaukulang pananagutan," dagdag ni Roxas.
Aniya dapat harapin ni Revilla ang mga akusasyong ibinabato sa kanya.
"Inuulit ko, ang problema ni Senator Revilla ay si Benhur Luy at iba pang whistleblowers at mga COA (Commission on Audit) documents na nagsasabing paulit-ulit niyang ibinibigay sa mga pekeng NGOs (non-goverment organizations) ni (Janet) Napoles ang kanyang pondo sa Senado," wika ni Roxas.
Kaugnay na balita: Cunanan isa na ring 'provisional' state witness sa pork scam
"Kung may lalabas pang mga bagong testigo na magdidiin sa kanya sa kasong ito, hindi na namin kasalanan iyon. Mas mabuting sagutin na lamang niya ang akusasyon ng mga ito at ipaliwanag ang mga opisyal na dokumentong nag-uugnay sa kanya sa Napoles scam," sabi pa ng dating senador.
Isa si Revilla sa mga mambabatas na idinidiin sa umano’y pangungurakot sa Priority Development Assistance Fund (PDAF).
Kasamang nadadawit ni Revilla sina Senador Juan Ponce Enrile at Jinggoy Estrada.