Kahit ‘di match ang engine number Multa lang, wala ng suspension sa Nova bus

MANILA, Philippines - Nagdesisyon ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na pagmultahin na lamang at huwag nang suspendihin ang prangkisa ng Nova Auto Transport bunga ng hindi pagkakatugma ng plaka ng 20 bus nito sa engine number ng sasakyan.

Ito ayon kay LTFRB Chairperson Winston Gines ay matapos makumbinsi ng pamunuan ng Nova bus ang LTFRB board sa paliwanag ng bus company na na­ging kalakaran nila ang pagpapalit ng makina ng sasak­yan na nagtataglay ng engine number sa mga unit ng kumpanya para hindi maabala ang kanilang pamamasada para sa libo-libong mananakay.

Sinabi ni Gines na bunga ng pag-amin ng Nova bus sa hindi pagpapaalam sa kanila ng pagpapalit ng makina sa iba’t ibang mga sasakyan nito para lamang tumakbo at makapasada, papayagan nilang bumiyahe ang mga bus unit ng kumpan­ya pero dapat munang magbayad ng kaukulang multa para rito.

Nilinaw naman ni Gines na basta’t match ang car plate sa chassis number ng sasakyan ay puwede na itong tanggapin na hindi colorum ang sasakyan.

Pinaalalahanan din ng ahensiya ang pamunuan ng Nova bus at maging ng iba pang bus company na kung magpapalit ng makina ng sasakyan ay ipaalam agad sa LTFRB para maiproseso ang kaukulang dokumento para dito.

Bagamat maaari na anyang pumasada ang mga unit ng Nova bus, magtatakda pa rin anya sila ng kaukulang pagdinig sa naturang usapin para matiyak na 100 percent ay patuloy na makakapag-operate ang naturang bus company.

Show comments