MANILA, Philippines - Namayapa na si dating Supreme Court (SC) Associate Justice Serafin Cuevas Linggo ng gabi.
Inanunsyo ng SC Public Information Office (SC PIO) sa kanilang Twitter account ngayong Lunes ang pagkamatay ng dating hukom sa edad na 86.
Dagdag ng SC PIO na wala pang detalye ang burol ng dating mahistrado.
Bilang pagkilala sa iniambag sa hudikatuta ng bansa ni Cuevas, naka half mast ang watawat ng Pilipinas sa SC quadrangle.
Nagsilbi si Cuevas bilang pang-106 na associate justice ng mataas na hukuman noong Hunyo 1, 1984 hanggang Abril 16, 1986.
Nakilala rin si Cuevas bilang abogado ng noo'y Chief Justice Renato Corona na kalauna'y napatalsik sa puwesto.