Pagtutulungan ng España, Albay palalawakin

MANILA, Philippines - Palalawakin at lalong patitibayin ang pagtutulungan ng España at Albay, lalo na sa larangan ng “disaster risk reduction (DRR) and climate change adaptation (CCA)” bunga ng matagumpay nilang kooperasyon sa nakaraan.

Ayon kay Albay Gov. Joey Salceda, gagamitin ng España ang Albay model sa rahabilitasyon para sa mga local government units na mapipili nitong tulungan pagkatapos ng Yolanda reconstruction at dadagdagan pa ang suporta sa Albay.

Ang pagtutulungan ng España at Albay ay ipinahihiwatig ng malimit na pagdalaw dito ng mga opisyal ng Agencia Espanol de Cooperacion Internacional para el Desarollo (AECID) o Spanish Agency for International Development Cooperation.

Dumalaw muli rito ang mga opisyal ng AECID upang talakayin ang ilang bagong proyekto.

Ayon kay Salceda, co-chairman ng UN Green Climate Fund, hanga ang España sa kung paano ipinatutupad ng Albay ang mga sinusuportahan nitong mga programa, kaya nais nitong palawakin lalo ang kanilang pagtutulungan. Handang gamitin ng España ang yaman nito at ang kahusayan sa DRR at CCA ng Albay sa mabungang pagtutulungan. Ang Albay ay UN Global Model sa DRR at CCA.

Ang mga proyektong suportado ng AECID ay ininspeksyon ni Queen Sofia ng España nang dumalaw siya sa Albay noong Hulyo, 2013.

 

Show comments