Paninigarilyo ni PNoy 'di krimen - CSC

MANILA, Philippines – Pinabulaanan ng pinuno ng Civil Service Commission (CSC) na maaaring masibak si Pangulong Benigno Aquino III sa puwesto dahil sa kanyang paninigarilyo.

Sinabi ni CSC chairman Francisco Duque ngayong Miyerkules na hindi maaaring isalang sa impeachment trial ang Pangulo dahil lamang sa paninigarilyo, taliwas sa sinabi ni CSC Assistant Commissioner Ariel Ronquillo nitong kamakalawa.

"Bakit mo i-uugnay 'yung smoking sa impeachable offenses under the Constitution when smoking per sé is not a crime?" pahayag ni Duque sa isang panayam sa radyo.

Dagdag ng pinuno ng CSC na personal lamang na opinyon ni Ronquillo ang kanyang inihayag at hindi posisyon ng buong ahensya.

Kaugnay na balita: PNoy maaaring masibak dahil sa yosi

Naunang sinabi ni Ronquillo na nilalabag ni Aquino ang ilang probisyon sa Framework Convention on Tobacco Control na nagbabawal sa paninigarilyo sa loob ng mga establisyamento ng gobyerno.

"Hindi ko sinusuportahan 'yun dahil unang-una ang smoking ay hindi naman krimen," wika ni Duque.

Aniya tanging sa Department of Health, Department of Education at Department of Social Welfare and Employment lamang matinding ipinagbabawal ang paninigarilyo.

"Let's leave it to the President (paninigarilyo)," dagdag ni Duque na dating kalihim ng DOH.

 

Show comments