Gobyerno tinawag na ma-pride sa hindi pagso-sorry sa HK

MANILA, Philippines - Tinawag kahapon ng isang senador na sobrang ma-pride ang gobyernong Aquino sa hindi paghingi ng sorry sa gobyerno ng Hong Kong matapos ang hostage crisis noong 2010 kung saan walong turistang Chinese ang namatay.

Ayon kay Senator Vicente “Tito” Sotto III, lalo lamang lumaki ang problema matapos bawiin ng HK ang visa free access para sa mga opisyal ng gobyerno ng Pilipinas dahil sa hindi pagbibigay ng formal apology ng Pilipinas.

“Sobrang pride lamang ang ginagawang pagmamatigas ng gobyerno,” sabi ni Sotto.

Naniniwala si Sotto na walang masama kung nagbigay na lang ng apo­logy ang pamahalaang Aquino lalo pa’t hindi naman kontrolado ang nangyaring hostage crisis.

Kaugnay nito, hinikayat ng ilang senador ang Malacañang na magbigay na ng formal apo­logy para hindi na lumaki ang gulo.

Ayon kay Senator Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., hindi niya maintindihan ang ginagawang pagmamatigas ng gobyerno.

Kinatigan naman ni Marcos ang balak gawin ni dating pangulo at ngayon ay Manila Mayor Joseph Estrada na makipag-usap sa mga opisyal ng HK upang ikonsidera ang kanselasyon ng visa-free para sa mga opisyal ng Pilipinas at mga may hawak ng di­plomatic passports.

Show comments