‘DAP itinigil na!’- SolGen

Habang isinasagawa sa loob ng Supreme Court ang oral argument sa petisyon laban sa Disbursement Allocation Program ng pamahalaan, tinatangka naman sa labas ng mga militanteng grupo na tanggalin ang harang na bakal na inilagay doon ng mga awtoridad kahapon.  (Kuha ni Edd Gumban)  

MANILA, Philippines - Itinigil na ang paggamit sa kontrobersyal na Disbursement Acceleration  Program (DAP) dahil hindi na rin naman kailangan ito ng gobyerno.

Sinabi ito ni Solicitor General Francis Jardeleza, bago ang pagsisimula ng oral argument kahapon sa Korte Suprema.

Ipinaliwanag ni Jardeleza na  hindi na kailangan pa ng gobyerno ang DAP dahil naabot na nila ang layunin para sa ekonomiya ng paggamit ng 149 bilyong pisong halaga ng DAP sa mga nakalipas na taon.

Noong pang kalagitnaan ng taong 2013 nang itigil nila ang paggamit ng DAP, ani Jardeleza na sinegundahan naman ni Budget Secretary Florencio Abad.

Sa kanyang pagharap sa mga mahistrado sa pagsisimula ng oral argument, sinabi ni Abad na inirekomenda na nila kay Pangulong Benigno S. Aquino III  ang pag-abandona sa DAP.

Ito ay dahil napagsilbihan na ng DAP ang layunin nito sa ekonomiya.

Show comments