MANILA, Philippines - Hinihikayat ni Caloocan City Rep. Edgar Erice si Pangulong Benigno Aquino III na sertipikahan bilang urgent measure ang Anti-Political Dynasty Bill.
Ito ay dahil aminado si Erice na kahit nasa plenaryo na ang bersiyon ng House of Representatives ay matatagalan pa rin bago ito mapagtibay.
Subalit kailangan anya rito ng sakriprisyo nilang mga pulitiko para isuko ang interes at kapangyarihan dahil mahalaga ang Anti-Political Dynasty Bill para sa reform agenda ng gobyerno.
Malaki rin ang maitutulong nito para mabawasan ang katiwalian dahil mababawasan ang concentration ng kapangyarihan sa iilang pamilya lamang, mapapalakas ang political parties dahil magkakaroon ng tunay na sukatan ng pagpili ng mga ikakandidato base sa track record at hindi dahil lamang sa popular na apelyido.
Bukod dito, maiiwasan na rin ang pagkakawatak-watak ng mga pamilya dahil lamang sa pulitika.
Nauna nang naaprubahan ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms ang Anti-Political Dynasty Bill at nakakakalendaryo na sa plenaryo noon pang nakaraang linggo subalit hindi naisasalang sa sponsorship at debate.
Sa Senado naman ay nananatili pa rin sa committee level ang kahalintulad nitong panukala.
Upang mapabilis ang proseso at masiguro na mapapagtibay ang Anti-Political Dynasty Bill, nagpadala na ng sulat si Erice sa Pangulo kalakip ang kopya ng House version ng panukala kung saan ipinagbabawal ang pagtakbo sa halalan ng magkakamag-anak hanggang second degree of consanguinity.