MANILA, Philippines - Niluluto ngayon sa Kamara ang panukalang batas na parusang kamatayan para lamang sa mga dayuhang nagbebenta ng droga sa Pilipinas.
Ang House Bill 1213 ay muling inihain ng magkapatid na Reps. Rufus Rodriguez (Cagayan de Oro) at Maximo Rodriguez (Partylist, Abante Mindanao) matapos na mabigong mapagtibay bilang batas noong 15th Congress.
Paliwanag ng magkaÂpatid na kongresista, hindi makatuwiran na ang mga Pinoy ay napapatawan ng parusang kamatayan sa ibang bansa tulad ng China kapag nahuhuli sa kasong droga tulad umano ng nangyari sa tatlong Filipino na binitay sa nasabing bansa na sina Elizabeth Batain, 38, Sally Ordinario-Villanueva, 32 at Ramon Credo, 42.
Pero pagdating dito sa Pilipinas ang mga nahuhuling dayuhan tulad ng Chinese nationals, na nagbebenta at nag-o-operate ng drug dens at laboratories ay habang buhay na pagkabilanggo lang ang parusa kahit gaano kalaki ang bulto ng drogang nakukumpiska sa kanila.
Layunin ng panukala na amyendahan ang Comprehensive DangeÂrous Drug Acts upang hindi na maglakas-loob pa ang mga dayuhan na magmanupaktura ng droga sa bansa.
Ang panukala ng magÂÂkapatid na Rodriguez ay nakalusot sa Kamara noong nakaraang kongreso subalit nabigo naman ito sa Senado.