MANILA, Philippines – Iminungkahi ni rehabilitation czar Panfilo Lacson na magkaroon ng isang ahensya na tututok sa rehabilitation at recovery efforts tuwing may kalamidad o krisis sa bansa.
Sinabi ni Lacson na dapat bumuo ng hiwalay na grupo na mamamahala sa pagbangon ng mga sasalantain ng bagyo at iba pang kalamidad.
"We'll be hit by calamities at least 20 times a year, depende sa magnitude. We might as well have an institution that will focus on dealing with rehabilitation and recovery," banggit ng dating senador ngayon Lunes.
Dagdag ni Lacson na iba ang magiging trabaho nito sa National Disaster Risk Reduction and Management na may sariling mandato.
Ang nais na ahensyang mabuo ni Lacson ay ang mamamahala sa pagbibigay tulong sa mga nasalanta ng mga kalamidad lalo na kapag nawala ang tulong mula sa ibang bansa.
"Once another calamity of similar magnitude tatama sa ibang lugar...iiwanan tayo ng multilaterals, that's my biggest nightmare."
Itinalaga ni Pangulong Benigno Aquino III si Lacson na pangunahan ang rehabilitation efforts sa mga sinalanta ng bagyong Yolanda, ang pinakamalakas na bagyo sa kasaysayan ng bansa.
Higit 6,000 ang nasawi kay Yolanda, habang aabot pa sa 2,000 ang nawawala, ayon sa NDRRMC.