MANILA, Philippines – Lumobo pa ang bilang ng mga patay sa pananalasa ng bagyong “Agaton,†ayon sa state disaster response agency ngayong Lunes.
Sinabi ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na umabot na sa 64 ang nasawi kay Agaton.
Tatlo ang bagong naitala na pawang mga taga Agusan del Sure sa Caraga region.
Nakilala ang mga biktima na sina Dominique Hatico, 12, na nabagsakan ng puno; Isagani Pedillo, 42, natabunan ng gumuhong lupa, at Remat Tana, 12, na nalunod.
Sinabi pa ng NDRRMC na 85 katao pa ang nasaktan habang 10 ang nawawala.
Samantala, 1.148 milyong katao o 244,344 pamilya ang naapektuhan ng pinakaunang bagyo ngayong 2014 mula sa 1,002 barangay sa Northern Mindanao, Davao, SOCCSKSARGEN, Caraga at Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Mula sa naturang bilang ay 108,991 katao o 22,095 na pamilya ang nananalagi sa 235 evacuation centers, dagdag ng state disaster response agency.
Umabot na sa P510 milyon ang halaga ng pinsala sa impastraktura at agrikultura, kabilang ang irrigation dam sa Aragon at Barangay Taytayan sa Cateel, Davao Oriental.
Higit P78.3 milyon ang halaga ng relief goods ang naipamahagi na ng gobyerno, ayon pa sa NDRRMC.