MANILA, Philippines - Walang plano si Pangulong Aquino na gayahin si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo nang humingi ito ng paumanhin sa taumbayan.
Sinabi ni Communications Sec. Herminio Coloma Jr., walang dahilan upang humingi ng sorry sa publiko ang Presidente matapos nitong aminin na kinausap niya ang mga senator-judges sa kasagsagan ng impeachment trial noon ni Chief Justice Renato Corona.
Inamin ni PNoy na kinausap niya sina Sens. Bong Revilla, Jinggoy Estrada, TG Guingona at Ralph Recto sa kasagsagan ng Corona impeachment pero hindi umano niya ginamitan ng pressure ang mga mambabatas kundi pinakiusapan lamang niya itong bumoto ayon sa merito ng kaso at huwag magpadala sa pressure ng mga interest group.
“Ginawa ng Pangulo ang nararapat ayon sa kanyang mandato. Hindi ito dahilan para humingi siya ng paumanhin,†wika ni Coloma.
Magugunita na iginiit ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate na dapat humingi ng public apology si PNoy sa publiko tulad ng ginawa noon ni Mrs. Arroyo sa kanyang “I am Sorry†dahil sa pakikipag-usap niya kay Comelec Commissioner Virgilio Garcillano upang alamin ang boto nito sa Mindanao noong 2004 elections.
Wika ni Rep. Zarate, walang pinagkaiba ang ginawa nina PNoy at Mrs. Arroyo kaya dapat lamang na humingi siya ng paumanhin sa publiko sa ginawa niyang pakikipag-usap sa mga senator-judges.