58 death toll sa LPA
MANILA, Philippines - Umaabot na sa 58 katao ang death toll, 69 ang nasugatan habang 10 pa ang nawawala sa mahigit dalawang linggong pananalasa ng Low Pressure Area (LPA) sa rehiyon ng Mindanao.
Sa nasabing bilang ay 49 ang naitalang nasawi ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) habang siyam ang karagdagang inireport ng pulisya at ng regional Office of Civil Defense sa mga apektadong rehiyon ng Region X, XI , IX at Caraga.
Kabilang sa mga nadagdag sa talaan ng nasawi sina Felis Aspa, 60, nalunod sa Prosperidad, Agusan del Sur; Michael John Paran, 15, tinangay ng malakas na agos sa Surigao City, Surigao del Norte; Noel Maglupat, 40, ng Manila de Bugabus, Butuan City , nasawi rin sa rumaragasang baha.
Dalawa naman ang nadagdag na nasawi sa Region XI (Davao Region) at patuloy naman ang paghahanap sa iba pang nawawala.
Ilang insidente rin ng landslide ang naiulat sa mga apektadong barangay ng Butuan City, Agusan del Norte bunga ng patuloy na mga pag-ulan dito na mahigit dalawang linggo na.
Nasa 191,195 pamilya o 921 ,870 katao ang apekÂtado ng kalamidad sa 894 barangay sa 111 munisipalidad sa 16 lalawigan ng Region X, XI, XII, Caraga at ARMM.
Naitala naman sa 2,166 bahay ang napinsala at umaabot na rin sa P369,142,178.22 M ang pinsala ng kalamidad kabilang ang P128,513,750 M sa imprastraktura at P26,628,428.22 M sa agrikultura.
- Latest