Purisima ‘di-pabor sa national ID

MANILA, Philippines - Hindi pabor si Phi­lippine National Police Chief Director General Alan Purisima na muling isulong ang pagbuhay sa  kontrobersyal na national Identification (ID) system para sa bawat mamamayang Pilipino.

Ayon kay Purisima, walang mabigat na dahilan para ipatupad ang national ID system.

Ginawa ni Purisima ang pahayag sa gitna na rin ng mga panawagan na iimplementa na ang national ID system upang mapabilis ang pagsugpo sa lumalalang kriminalidad partikular na sa Metro Manila na kaliwa’t kanan ang paghahasik ng karahasan ng riding- in-tandem.

Gayundin sa gitna na rin ng paglutang ng panukalang iparehistro na ang mga prepaid sim cards dahil sa pagtaas na naman ng kriminalidad gamit ang teknolohiya tulad ng internet at smarthphones  o ang nakakaalar mang cybercrimes.

Binigyang diin ni Purisima na hindi na kaila­ngan pang magkaroon ng national ID ang bawat  Pinoy dahil mayroon na aniya ngayong lisensya at mga ID na iniisyu ang gobyerno.

“Actually sa atin kung tutuusin natin yung licensed number mo is a national ID already. Hindi lang natin ginagamit eh, yung licensed number mo sa LTO that’s national ID. Your passport number is a national ID. So ano pa ba yung national ID na hinahanap natin,” pahayag pa ni Purisima.

Matatandaang  mismong si dating Senador Panfilo Lacson na nagsilbi ring PNP Chief ang nagsulong sa pagkakaroon sana ng national ID system sa paniniwalang malaki ang maitutulong nito sa paglaban sa kriminalidad.

Kabilang sa mga bansang nagpapatupad ng  national ID sytem ay ang  Argentina, Belgium, Colombia, Germany, Italy­, Peru at Espana.

 

Show comments