Bagyo lumakas kahit bumagal Patay kay Agaton, 40 na

MANILA, Philippines - Umakyat na sa 40 katao ang bilang ng nasasawi, habang nanatili sa lima ang nawawala sa pananalasa ng bagyong Agaton.

Sa tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), pumalo na sa 587,115 katao ang naapektuhan mula sa 635 barangay, 90 munisipalidad sa 15 probinsiya ng Region 10, 11, Caraga at Autonomous Region of Muslim Mindanao (ARMM).

Sa naturang bilang, 161,808 katao ang pina­lipat muna sa mga 436 evacuation centers. Na-stranded naman ang 7,386 pasahero sa mga pantalan ng Cebu, Dumaguete, Tagbilaran, Maasin, Camsur, Sorsogon at Masbate.

Bagamat hindi pa tumatama sa kalupaan, naminsala na si “Agaton” ng kabuuang P313,784,368 kung saan P101,118,750 dito ay sa imprastraktura at P212,665,61 sa agrikultura.

Huling namataan si Agaton sa layong 166 kilometro sa silangan ng Hinatuan, Surigao del Sur na inaasahang magdadala ng malakas na pag-ulan sa Caraga, Davao Oriental at Compostela Valley.

Ayon sa Pagasa, napanatili ng bagyo ang taglay nitong lakas habang kumikilos ng patimog-timog-kanluran sa napakabagal na 5 kilometro kada oras.

Hindi naman inaalis ng kagawaran ang posibilidad na bumalik sa pagiging low pressure area (LPA) ang bagyo matapos tumama ito sa kalupaan.

 

Show comments