MANILA, Philippines - Ganap nang naging bagyo ang low pressure area (LPA) sa silangan ng bansa at ito ay tinawag na Agaton, ang kauna-unahang bagyo ngayong 2014.
Sinabi ni Gilbert Aquino ng Pagasa, kahapon nang umaga pumasok ang bagyo taglay ang lakas ng hanging aabot sa 55 kilometro kada oras (kph) malapit sa gitna.
Namataan ito sa layong 165 kilometro ng hilagang silangan ng Hinatuan Surigao del Sur o 190 kilometro silangan ng Surigao City.
Bunga nito, nakataas ang signal number 1 sa Southern Leyte sa Visayas, Surigao del Norte, Siargao Island, Surigao del Sur, Dinagat Province, Agusan del Norte, Agusan del Sur, Davao Oriental at Compostela Valley.
Alas-5 ng hapon kahapon, si Agaton ay nananatiling stationary at patungo sa direksiyon ng Surigao provinces.
Ngayong Sabado ng hapon, si Agaton ay nasa layong 80 kilometro hilaga ng Hinatuan, Surigao del Sur o nasa 75 kilometro silangan ng Butuan City.
Sa Linggo ng hapon, si Agaton ay nasa layong 50 kilometro timog silangan ng Malaybalay, Bukidnon o 75 kilometro ng hilagang kanluran ng Davao City at sa Lunes ng hapon ay nasa 130 kilometro kanluran ng General Santos City.
Pinapayuhan ng Pagasa ang mga residente doon na maging alerto at mag-ingat sa banta ng flashfloods at landslides dulot ng mga pag-uulan na dala ni Agaton.