Agenda ng Palasyo sa DAP ibinuking ng LP solon

MANILA, Philippines - Binatikos kahapon ni United Nationalist Alliance (UNA) Secretary-General Toby Tiangco ang pagkokondisyon ng administrasyon sa isip ng publiko para tanggapin nito ang ligalidad ng Disbursement Acceleration Program.

Pinuna ni Tiangco na tila kumpiyansang-kumpiyansa ang makaadministrasyong Liberal Party na ibabasura ng Supreme Court ang siyam na petisyong kumukuwestiyon sa ligalidad ng DAP.

“Merong parang pagmamaniobra sa naging pahayag nina Rep. Miro Quimbo at Rep. Rey Umali na ‘nakakatiyak’ sila na idedeklara ng Supreme Court na constitutional ang DAP. Ang pagka optimistiko nila ay kumukumpirma lang sa mga usap-usapan na nagtagumpay na ang Administrasyon sa plano nilang i-pressure ang ilang mahistrado para magdesisyon pabor sa DAP,” puna niya.

Ayon kay Tiangco, sinamantala ng mga kaalyado ng administrasyon ang mahabang bakasyon para trabahuhin ang kanilang adyenda.

“Malamang merong malakas na batayan ang kumpiyansa sa pahayag nina Quimbo at Umali. Mahihinala ko lang na merong kung ano man sa kanila kaya kinukundisyon nila ang isip ng publiko na idedeklara ng Mataas na Hukuman na constitutional ang DAP dahil pinayagan nila ang Pangulo na malayang ilipat ang mga savings sa mga proyekto na hindi sapat na napopondohan,” wika pa ni Tiangco.

Bilang isang klase ng blackmail, isinusulong ni Umali ang impeachment laban sa pitong mahistrado ng Supreme Court sa usapin ng judicial despotism at kinukuwestyon ang hurisdiksyon nito sa kaso ng citizenship ni Marinduque Cong. Regina Ongsiako-Reyes.

Idinagdag ni Tiangco na ang pagkamasigasig ni Umali na pakilusin ang mga kaalyado ng partido sa Kongreso noong nakaraang taon ay malamang umanong kunektado sa adyenda ng administrasyon na hatiin ang 15 miyembro ng Mataas na Hukuman sa isyu ng ligalidad ng DAP.

Idiniin ni Tiangco na ang nagdaang bakasyon ay naging pagkakataon sa administrasyon para magkaroon ng sapat na oras at magdagdag ng pressure sa Mataas na Hukuman para paboran ang DAP.

Show comments