Kampo ni Bangayan may hinalang sinusuhulan ang DOJ

MANILA, Philippines – Naniniwala ang kampo ng negosyanteng si Davidson Bangayan na sinusuhulan ng sindikato ang Department of Justice upang siya ang iturong “David Tan” na umano’y nasa likod ng rice smuggling sa bansa.

Iginiit ng abogado ni Bangayan na iisa lamang ang pagkakakilanlan ng kanyang kliyente mula nang ipanganak ito.

"Since birth, isa lang po ang identity ni Davidson Bangayan, iyon nga po ay Davidson Bangayan lang," pahayag ng abogadong si Benito Salazar sa kanyang panayam sa dzMM.

Si Bangayan ang itinuro ng Deparment of Justice na David Tan na rice smuggler king ng bansa.

Nadismaya ang kampo ni Bangayan dahil sa patuloy na pagsangkot ng negosyante sa rice smuggling kahit na napatunayang nilang hindi ito totoo.

"Akala ko po 'yung usapin na 'yan ay natapos na nung isang araw kasi binigyan na namin sila ng tsansa na ayusin na ng lahat ng discrepancy sa identity," sabi ng abogado Bangayan na nagpakita ng birth certificate, credit cards at driver’s license sa mga awtoridad.

Inaresto si Bangayan nitong kamakalawa matapos tumungo ng National Bureau of Investigation upang itanggi ang paratang sakanya.

Kaugnay na balita: 'David Tan' dinakip ng NBI

Dumulog sa NBI si Bangayan sa payo na rin ni Justice Secretary Leila De Lima.

Dinakip umano ang negosyante dahil sa arrest warrant na inilabas n Caloocan City Regional Trial Court laban sa kanya para sa kasong electricity pilferage.

Kalaunan ay pinalaya rin si Bangayan dahil sa mga kakulangan ng impormasyon sa arrest warrant, ngunit inilagay naman siya sa lookout bulletin ng NBI.

Kaugnay na balita: 'David Tan' pansamantalang laya - De Lima

"Hindi po namin alam kung saan nila nakuha 'yang address na 'yan at hindi po namin matukoy kung sino ang nagbigay sa kanila ng address na 'yan," sabi ng abogado.

Show comments