LPA, patuloy na mananalasa sa Mindanao - PAGASA

MANILA, Philippines - Lalo pang tumindi ang buhos ng ulan sa hilagang bahagi ng Mindanao dahil sa umiiral na Low Pressure Area (LPA).

Ayon kay Aldzar Aurelio weather forecaster ng PAGASA, huling namataan ang LPA sa layong 70 kilometro sa timog kanluran ng Cagayan de Oro City kahapon ng umaga.

Muling inaabisuhan ang mga residente ng CARAGA Region, Zamboanga Peninsula, Eastern at Central Visayas at maging ang Bicol Region na mag-ingat sa baha at posibleng pagguho ng lupa.

Sa pagtaya ng PAGASA, posibleng tumagal pa ang pag uulan sa nabanggit na mga lugar  hanggang Miyerkules at Huwebes.

Ang nalalabing bahagi naman ng bansa ay magiging makulimlim ang papawirin at malaki ang tsansa na magkaroon ng thunderstorms laluna sa bandang  hapon at gabi.

Pinapayuhan din ng PAGASA ang mga mangi­ngisda sa Northern at Eastern Luzon, Visayas at Zamboanga del Norte na huwag papalaot sa karagatan dahil sa malalaking alon.

 

Show comments