MANILA, Philippines - Nakatakdang umuwi na sa kani-kanilang lalawigan sa Eastern Visayas ang mga evacuees na nasalanta ng bagyong Yolanda at nanatili ng higit isang buwan sa tent city sa Pasay City.
Sinabi ni Pasay City Social Welfare Department head, Rosalinda Orobia na hanggang EÂnero 16 na lamang ang tent city kung saan nasa 32 pamilya o 93 katao ang kasalukuyang nananatili.
Ayon kay Orobia, ihahatid naman sa pamamagitan ng inupahang pampasaherong bus ang mga evacuees pabalik sa kanilang mga bayan sa Leyte at Samar.
Maaari umanong umaÂbot sa 12 bus ang kailanganin sa paghahatid dahil sa dami ng bitbit na gamit at mga relief goods na natanggap ng mga evacuees buhat sa iba’t ibang sponsors habang nananatili sila sa tent city.
Nakaipon na rin umano ng higit sa P30,000 ang bawat pamilya na bigay ng mga donors para magamit ng mga ito sa kanilang pagbangon sa sariling lalawigan.
Mula ng itayo ang tent city noong Nobyembre 19, nasa 152 pamilya ng biktima ng bagyo ang kanilang napagsilbihan. Karamihan sa mga ito ay nasundo agad ng kanilang mga kaanak sa Metro Manila at karatig lalawigan, ang iba na may pera ay pinili na mangupahan, habang ang iba na wala talagang matutuluyan ay nanatili sa tent city.