Inquiry sa sabay-sabay na power generators shutdown isapubliko - Solon
MANILA, Philippines - Hinikayat ni Bayan Muna Rep. Neri Colmenares ang Malakanyang na ilabas na at isapubliko ang resulta ng imbestigasyon sa umanoy sabwatan sa pagitan ng mga power generators para sabay-sabay na mag-shutdown ng planta noong Nobyembre.
Ayon kay Colmenares, lampas na sa deadline na Disyembre 30 na ibinigay ng Palasyo ang imbestigayon na pinamumunuan ni Energy Secretary Jericho Petilla at habang naantala umano ang pagsasapubliko nito ay lalong nag-dududa ang publiko na kagagawan ito ng power cartel.
Giit pa ng kongresista, nakatanggap sila ng impormasyon na nahihirapan ang Malakanyang na ilabas ang resulta dahil sa pressure ng power cartel na kailangan palabasin sa pagsisiyasat na walang nangyaring sabwatan sa pagitan ng mga power generatos.
Posibleng ito umano ang dahilan kung bakit nitong mga nakaraang araw ay ikinukundisyon na ang isipan ng publiko na walang pagpipilian kundi tanggapin ang P4.15 na power rate hike.
Matatandaan na paulit-ulit na sinasabi ng Malakanyang na wala itong kapangyarihan para pigilan ang power rate hike samantalang todo depensa naman si Petilla sa pagsasabing overboard ito.
Habang ang Philippine Independent Power Producers Association naman ay iginigiit na walang sabwatan sa industriya kasabay ng babala na maaaring makaranas ng balackout sa maraming lugar sa bansa.
- Latest