Tigdas outbreak dahil sa pagpapabaya ng ina

MANILA, Philippines - Ang mababang coverage ng mga nagpabakuna laban sa tigdas o pagbalewala ng mga ina na pabakunahan ang mga anak ang siyang dahilan kung bakit maraming lugar ang nagkaroon ng outbreak ng sakit.

Sinabi ni Health Assistant Secretary at Spokesman Dr. Eric Tayag,  21% lamang ng mga bata ang nabakunahan laban sa tigdas, mula sa tatlong rehiyon sa bansa, kung saan nakapagtala ng pinakamataas na kaso ng naturang sakit.

Kabilang sa mga naturang rehiyon na nakapagtala ng pinakamataas na kaso ng tigdas ay ang National Capital Region (NCR) na may 744 kaso ng sakit, Region 4-A na may 436 at Region 6, 282 kaso.

Sa rekord ng DOH, mula Enero 1, 2013 hang­gang Disyembre 14, 2013  ay umabot sa 1,724 ang kumpirmadong kaso ng tigdas sa bansa.

Ang naturang kaso ay mas mataas kumpara sa naitalang kaso sa kahalintulad na petsa noong 2012.

Ilang barangay din sa Metro Manila ang may naitalang outbreak ng tigdas kabilang sa mga ito ay sa mga barangay Dagat-dagatan at Bagong Barrio sa Caloocan; Talon Singko, Talon Dos at Pamplona Uno sa Las Piñas; Longos at Tonsuya sa Malabon; Quiapo, Sampaloc, Tondo, Sta. Cruz, Port Area, Sta. Mesa at Binondo sa Maynila; North Bay Boulevard sa Navotas; Alabang at Putatan sa Muntinlupa; Moonwalk at Don Bosco sa Parañaque; Bagong Tanyag sa Taguig; at Ugong sa Valenzuela.

Muling umapela naman si Tayag sa mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak na may 6 hanggang 18 buwang gulang kontra tigdas upang makaiwas ang mga ito sa sakit, na madaling makahawa at nakamamatay kung mapapabayaan.

 

Show comments