Taga-DBM sa fake SARO tutukuyin

MANILA, Philippines - Siniguro ng Malacañang na makikipagtulungan ang Department of Budget and Management sa ginagawang imbestigasyon ng Department of Justice at National Bureau of Investigation kaugnay ng nadiskubreng pekeng mga Special Allotment Release Order (SARO) na sangkot ang tauhan ng isang opisyal ng DBM.

Ayon kay PCOO Sec. Herminio Coloma Jr., siniguro ni Budget Sec. Florencio Abad na wala silang poproteksyunan bagkus ay makikipagtulungan sila upang matukoy kung sino ang nasa likod ng pamemeke ng mga SARO.

Naunang ibinunyag ni Justice Sec. Leila de Lima na tauhan umano ni DBM Usec. Mario Relampagos ang sinasabing sangkot kasabwat ang ilang tauhan ng mga kongresista.

Ayon kay Sec. de Lima, kabilang dito ang 12 SAROs na iniimbestigahan mula sa Region 1 at Region 6 na kinasasangkutan ng mga proyektong nagkakahalaga ng P161 milyon at P77 milyon bukod sa mga kwestyonableng SARO sa Calabarzon at Region 12.

Natuklasan pa ng DOJ na ang sinasabing “Supremo” sa SARO Gang sa DBM ay isang babae batay sa sumbong ng isang DBM insider.

 

Show comments