DOLE exec sa sex for flight sinuspinde

MANILA, Philippines - Apat na buwang suspensiyon ang ipinataw ni Labor Secretary Rosalinda Baldoz sa isang opisyal ng Department of Labor and Employment (DOLE) na umano’y sangkot sa sex for flight scheme.

Anang kalihim, nilagdaan na niya ang kautusan na nagsususpinde kay Acting Jordan Labor Attache Mario Antonio ng apat na buwan dahil sa kasong simple misconduct.

Magkakabisa umano ang suspensyon 15 araw matapos na matanggap ni Antonio ang kopya ng desisyon.

Batay aniya, sa ulat ng DOLE fact-finding team, na­ patunayang si Antonio ay gumamit ng malaswang salita sa pakikipag-usap sa isang problemadong overseas Filipino worker (OFW) at nahuli rin siyang nanonood ng pornographic materials gamit ang laptop computer ng kanyang tanggapan.

Sa paglilinaw ni Baldoz, sa oras na maghain si Antonio ng motion for reconsideration ay maaantala ang pagpapatupad ng suspensyon.

Ilang impormante naman mula sa DOLE ang nagsabi na naghain si Antonio ng motion for partial reconsideration sa hangad na mapagaan ang ipinataw sa kanyang parusa.

Si Antonio ay kabilang sa mga labor official na inimbes­tigahan ng DOLE dahil sa umano’y paghingi ng sexual favor sa mga OFW kapalit ng pagpapauwi sa kanila sa Pilipinas.

Show comments