PNoy kinalampag sa media killings
MANILA, Philippines - Dahilan sa hindi napipigilang mga kaso ng media killings kaya kinalampag ng mga militanteng mambabatas si Pangulong Aquino upang magpatupad ng komprehensibong solusyon dito.
Sa House Resolution 526 nina Bayan Muna Reps. Neri Colmenares at Carlos Isagani Zarate, hiniling ng mga ito na kondenahin ang pagpapatuloy ng mga kaso ng pagpatay sa mga mamamahayag.
Iginiit sa resolusyon na hindi na uubra ang pagtatag lamang ng mga task force sa tuwing may napapatay na kasapi ng media. Ang kailangan umano ay sinserong hakbang mula sa Pangulo para makapagbayad sa batas ang mga nasa likod ng media killings.
Hindi rin umano dapat balewalain ang bawat kaso ng media killing may kaugnayan man o wala sa trabaho bilang mamamahayag dahil ito ay indikasyon ng sumasamang lagay ng rule of law sa bansa.
Sa ilalim umano ng Aquino Administration, 19 na mamamahayag na ang napapatay kaya mistulang minana lamang nito ang State of Terror na umiiral noong administrasyong Arroyo.
Sa Senado ay pinaiimbestigahan na ni Sen. Koko Pimentel ang hindi pa rin matapos-tapos na karahasan laban sa mediamen.
- Latest