MANILA, Philippines - Dahilan sa malaking pagtaas ng singil sa kuryente kayat pinaiimbestigahan sa Kamara ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate ang mga opisyal ng Department of Energy (DOE).
Ayon kay Zarate, dapat na humarap sa Kamara ang mga energy officials para pagpaliwanagin sa malaking taas sa singil sa kuryente.
Giit ng kongresista, dapat na manghimasok na ang Kamara dahil hindi makatwiran ang sinasabing apat na piso per kilowatt hour na itataas sa power rate.
Malaking katanungan din umano kung bakit himdi mapaghandaan ng gobyerno ang epekto ng shutdown ng Malampaya Natural gas plant.
Dapat ay may panahon ang gobyerno na maglatag ng alternatibo para hindi maipasa sa publiko ang bigat nito dahil matagal na umanong planado ang shutdown nito para sa maintenance mula Nobyembre 11 hanggang Disyembre 10.
Bunsod nito kayat pinasaringan ni Zarate ang gobyerno dahil sa bukod sa kinulang umano sa aksyon ay taga depensa pa ng rate increase.